-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Pinatunayan ng kinikilalang “Best Trio” ang katagang “bestfriends goal” matapos sabay na pumasa sa 2023 Bar Examination.

Halos magkapareho ang naramdamang tuwa nina Atty. Jasper Kent Perez, Atty. Jhun Miranda, at Atty. Gerard Oliver Wang nang magtagumpay ang mga ito bilang “firstime Bar takers”.

Ngunit pagdating sa hirap, nasabi nila na hindi kailanman naging “walk in the park” ang naging karanasan sa law school dahil sa mga pag-aalinlangan, kaba, at takot sa bawat araw sa klase.

Ngunit sa kabila ng lahat ay nalampasan nila ang mga pagsubok at ngayon ay nagbunga na sa wakas ang mga pagsisikap na magkasabay pa.

Ang tatlo ay magkaklase sa kolehiyo na kumuha ng kursong Bachelor of Arts in Political Science sa Mindanao State University – Gensan Campus at pawang nagtapos bilang cum laude.

Nang makapagtapos, magkasabay din silang pumasok sa Law school maging sa pagkuha ng bar exam.

Ngayon, laking pasalamat ng mga ito na sabay rin silang naging ganap na mga abogado.