LEGAZPI CITY – Isang karumal-dumal na krimen ang nangyari sa Ticao Island, Masabate matapos walang awa na pagtatagain-patay ng isang lalaki ang tatlong menor de edad na halos magkagutay-gutay ang ilang bahagi ng katawan.
Kinilala ang suspek na si Gaspar Doktor na kilala sa alyas na “Apang” na tumakas matapos ang ginawang krimen.
Ayun kay Rizel Escote, tiyahin ng isa sa mga batang pinatay sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, lumalabas sa otopsiya ng anim na taong gulang na pamangkin na pinagsamantalahan ito ng suspek subalit hindi malaman kung pinatay muna bago ginahasa.
Hindi naman aniya kaano-ano ng pamilya ang suspek na pumunta sa bahay ng tiyahin ng asawa ng kanyang kapatid na mayroong selebrasyon at inuman.
Una rito pinapatulog na ng ina ang kanyang anak subalit sumama ito sa bahay ng pinsan na kapitbahay lang para doon sana makitulog.
Subalit ng susunduin na sana ang bata para umuwi dito na natagpuan ang duguan at wala ng buhay na anak kasama ang dalawa pang pinsan.
Kaugnay nito, naabutan pa ng ina ang suspek na responsable sa krimen na agad namang tumakas.
Pinaniniwalaang sumunod ang suspek sa mga bata ng makita ang mga itong pauwi habang walang kasama sa bahay.
Sa ngayon blangko pa ang pamilya ng mga biktima sa motibo ng suspek na patuloy pang pinaghahanap ng mga otoridad para maaresto at mapanagot sa ginawang krimen.