KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa tatlong mga menor de edad sa boundary ng Sitio Basak Polonuling, Tupi, South Cotabato at Purok 1, Barangay Sumbakil, Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ni Police Lt. Col. Berlin Pampolina, hepe ng Polomolok PNP ang mga nasawi na sina Rahman Jeorfo Sumapal, Nasser Maguisilan Diamalo at Jade Jamal Abpit pawang mga residente ng nabanggit na barangay.
Lumabas sa imbestigasyon ng kapulisan na ang mga biktima di-umano ay nagnakaw ng niyog sa isang coconut farm lot nang bigla na lamang dumating ang tatlong hindi nakilalang mga suspek sakay ng motorsiklo bitbit ang mataas na kalibre ng baril na inilagay sa sako.
Bigla na lamang umanong pinagbabaril ang mga biktima kung saan agad binawian ng buhay sina Sumapal at Diamalo.
Nakatakas pa sana ang kasamahan ng mga ito ngunit naabutan ng tatlong suspek si Bapit sa Mirabueno Farm at kaagad na pinagbabaril.
Masuwerte namang nakatakas ang dalawa pang kasamahan ng mga biktima.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang ilang bunga ng niyog ngunit walang nakuhang mga basiyo at slug ng baril na ginamit sa pagpatay sa mga biktima.
Mahigpit naman na kinundena ng Polomolok PNP ang nangyaring pagpaslang sa mga biktima.