ROXAS CITY – Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkamatay ng isang utility worker matapos na sinaksak at tinapon sa ilog ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Atila Balgos Avenue, Barangay Banica, Roxas City.
Ito ang kinumpirma ni Police Lt. Col. Ricardo Jomuad Jr., hepe ng Roxas City Police Station nang makapanayam ng Bombo Radyo Roxas.
Ayon kay Jomuad na mayroon na silang persons of interest na posible pumatay sa biktima na si Jonathan Caloyloy ng Tanza Norte, Panay, Capiz.
Sinabi rin nitong hinihintay rin nila ang resulta ng DNA test ng dugo ng isa sa tatlong mga menor de edad at dugo ng biktima.
Ito’y matapos nakitaan ng mga pulis ng bahid ng dugo ang kuko ng menor de edad na siya ring nakakita sa naturang biktima.
Nabatid na nagtamo ng sugat sa dibdib ang biktima matapos sinaksak ng mga suspek.
Maliban dito, matapos itong patayin at tinapon sa ilog ay tinangay pa ng mga suspek ang pera nito na umaabot sa P5,000.