NAGA CITY- Sumuko sa pamahalaan ng Occidental Mindoro ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) Kilusang Larangan Guerilla MAV.
Kinilala ang mga ito na sina alias Marvin, alias Layka at alias Celia, mga Indigenous People kung saan nasangkot na rin sa mga engkwentro laban sa tropa ng gobiyerno.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa 2ID, Philippine Army Camp General Mateo Capinpin ng Tanay, Rizal, napag-alaman na isa sa mga sumuko ay isang Child Warrior na 16-anyos habang ang dalawa naman ay nasa 18 at 19-anyos.
Samantala sa naging pahayag naman ni Major General Arnulfo Marcelo Burgos Jr, Commander of the Philippine Army’s 2ID, sinabi nito na inaasahan na umano nila ang pagsuko ng mga rebelde dahil sa nagpapatuloy na operasyon ng gobyerno ay naubusan narin ang mga ito ng lugar na mapagtataguan.
Sa kasalukuyan, nasa 568 na mga dating rebelde ang sumuko sa 2ID at ngayo’y nasa ilalim na ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.