LEGAZPI CITY- Binawian ng buhay ang mag-asawa at son-in law nito matapos malason ng kinain na puffer fish o butete sa Libon, ALbay.
Maliban sa tatlong mga biktima ay itinakbo rin sa ospital ang limang iba pang mga anak at apo nito.
Ayon kay Libon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Ian Secillano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na itatapon na sana ang naturang mga butete subalit nanghinayang ang naturang pamilya kaya napagpasyahan na lutuin.
Matapos lamang ang ilang oras ay nakaranas ang mga biktima ng pagmamanhid ng katawan, pananakit ng ulo at pangingitim ng balat.
Mabuti na lamang aniya na hindi kumain ng naturang isda ang mga apo nito kaya hindi kasama sa mga nalason.
Matatandaan na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng butete o tikong dahil sa taglay nitong nakakalason na toxic.
Samantala, sinabi ni Secillano na magpapaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan sa naturang pamilya upang makalabas na ang mga ito sa ospital at mabigyan ng maayos na libing ang mga namatay na kaanak.