-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nasawi ang tatlong miyembro ng pamilya matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Brgy. Paloc, Maragusan, Davao de Oro, kahapon ng madaling araw.

Kinumpirma ng Davao de Oro PDRRMO na kabilang si Jesus Emejio, 59-anyos, sa mga natabunan ng landslide sa lugar; Lucita Emejio, 58-anyos, at isa sa kanilang mga apo na lalaki.

Nabatid na habang natutulog ang mga biktima sa kanilang tahanan na nasa ibabang bahagi ng kalsada ay biglang gumuho ang lupa na nagresulta ng pagkatumba ng pader sa bahay ng mga biktima.

Agad naman kinuha ng MDRRMO ang bangkay ng mga biktima.

Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa mga naulilang pamilya nito.

Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office – Maragusan, dakong alas-5 ng umaga kahapon nang magkaroon ng landslide sa mga barangay gaya ng Katipunan, Tandik at Luzvimin na nagpahirap sa pagdaan ng mga sasakyan.

Matandaang isinailalim ng Heavy Rainfall Warning No. 6 o Yellow Warning ang lalawigan ng Davao de Oro dahil sa matinding pag-ulan na nararanasan sa lalawigan.