VIGAN CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong miyembro ng isang pamilya sa Abra matapos mahuli sa isang anti-illegal drugs operations sa Zone 6, Barangay Sinapangan, Bangued, Abra.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nakilala ang mga nahuli na sina Reymond bayle, 35, tricycle driver; Marcela Imelda Belmonte, 44 at anak ni Belmonte na si Christian JC Dungca, 23 na pawang mga residente ng nasabing lugar.
Nahuli ang mga suspek sa pamamagitan ng search warrant na ipinalabas ni Hon. Mia Joy Oallares-Cawed, executive judge ng Regional Trial Court, Baguio City na siyang ipinatupad ng pinagsama-samang puwersa ng mga pulis at miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera Administrative Region.
Nakuha sa loob ng bahay ng mga suspek ang siyam na piraso ng small heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng P65,000 at iba’t ibang drug paraphernalia.
Ang mga suspek ay matagal na isinailalim sa surveillance ng PDEA–Cordillera bago sila nag-apply ng search warrant laban sa mga ito.