-- Advertisements --

CEBU CITY – Tatlo ang patay sa isinagawang search warrant implementation sa lungsod ng Mandaue sa Cebu.

Ang mga namatay ay kinilalang sina Jessie Parojinog, residente ng Brgy Tingub; Eduardo Baliling at Henry Labajo, pawang mga residente naman ng Brgy Looc.

Nakatakas naman ang subject ng search warrant na si Frederex Secretaria.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Mercy Villaro, ang tagapagsalita ng Mandaue City Police Office, sinabi nitong bandang alas-11:00 kagabi nang inihain ng mga otoridad ang search warrant laban sa mga subject dahil sa kasong illegal possession of firearms.

Nanlaban umano ang mga ito kung kaya’t humantong sa shootout ang operasyon.

Ayon pa kay Villaro, ang mga subject ay pinaghihinalaang miyembro ng Parojinog drug group sa Ozamis City.

May mga pending warrant of arrest din umano ang mga ito sa kasong may kauganayan sa iligal na droga at robbery sa Iligan at Ozamis.

Maliban sa mga namatay, nahuli rin ng pulisya si Jessie Parojinog na mayroon ding mga standing warrant of arrest sa Ozamis sa kasong robbery at illegal drugs.

Nakuha sa mga nahuli ang tatlong .45 caliber pistol at isang .38 revolver.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Mandaue City PNP tungkol sa mga gawain ng mga subject sa lungsod ng Mandaue.