-- Advertisements --

ILOILO CITY – Isang tatlong buwan na sanggol ang nadagdag sa listahan ng mga namatay sa tigdas sa Western Visayas.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Renilyn Reyes, medical officer ng Department of Health (DOH)-6, sinabi nito ang sanggol ang nanggaling sa Bago City, Negros Occidental at pang-apat na casualty ng tigdas.

Ayon kay Dr. Reyes, ang sanggol ang nagkaroon ng “respiratory failure secondary to pneumonia with measles.”

Sa datos ng DOH, ang Negros Occidental ay mayroong 298 cases kung saan tatlo rito ang namatay na siyang pinakamataas na kaso ng tigdas sa rehiyon.

Sinusundan ito ng Antique na may 186 cases at isa ang patay; Bacolod City na may 112; Iloilo province na may 96; Aklan na may 52; Capiz na may 25; Iloilo City na may 31 at Guimaras na may lima.

Inihayag naman ni Dr. Jessie Glen Alonsabe, medical specialist ng DOH-6, hindi imposible na ang Negros Occidental ang magkakaroon ng pinakamataas na kaso ng tigdas dahil karamihan sa mga residente ay mga trabahador sa taniman ng tubo.

Ani Alonsabe, madaling kumalat ang sakit dahil sa posibilidad na hindi pa nabakunahan ang mga trabahador na nanggaling sa ibang lugar na dumayo sa Negros Occidental.

Target naman ng ahensya na mabakunahan ang 408, 687 na mga bata sa rehiyon.