Tatlong posibleng motibo sa ginawang pag-atake sa Datu Piang sa Maguindanao nuong Huwebes ng gabi ang tinitignan ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang iniulat ni PNP Chief Gen. Debold Sinas kay DILG Secretary Eduardo Año kaugnay sa developments ng nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa ginawang pag-atake ng BIFF at Dawlah Islamiyah terrorists at ang pagsunog nito sa patrol car ng PNP sa nasabing lugar.
Sa ulat ni PBGen Samuel Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office- Bangsamoro Autonomous Region (BAR) kay Sinas, kaniyang sinabi na balik na sa normal na aktibidad ang mga residente sa lugar at business as usual na rin sa nasabing bayan.
Sinabi ni Rodriguez, nagdeploy sila ng dagdag na police personnel sa nasabing bayan mula sa Regional Mobile Force Battalion-14,4th Special Action Battalion kasama ang mga tauhan ng 34th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Inihayag ni Sinas, na naka-alerto din sa ngayon ang mga karating Municipal Police Stations sa nasabing probinsiya para mapigilan ang anumang tangkang pag-atake na ilunsad ng mga teroristang grupo.
Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group (SITG) ang PROBAR para mabatid ang circumstances sa nasabing kaso gaya ng Attempted Murder, Arson, Damage to Property, Indiscriminate Firing, Grave Threats and Intimidation.
Ang tatlong posibleng motibo sa pag-atake na iniimbetsigahan ngayon ng PNP at AFP ay ang sumusunod: 1) the political rivalry among local executives of Datu Piang, sa pagitan ng Mayor at Vice Mayor; 2) Vengeance o paghihiganti sa pagkakapatay sa BIFF member na si Abu Suffian sa isang police operation sa Cotabato City; at 3) personal grudge ng ilang BIFF members sa Chief of Police ng Datu Piang dahil sa pagkaka-aresto sa dalawang members ng teroristang grupo dahil sa kasong drugs at illegal possesion of firearms.
Binigyang-diin ni Sinas na mataas ang posibilidad na personal grudge laban sa Chief of Police dahil hinahanap siya ng mga armadong katao dahi sa pag-aresto sa dalawang BIFF members na umano’y kamag-anak ng Vice Mayor.
Una ng tinukoy ng BAR Police na ang grupo nina Salahudin Hasan @Salah at Muhiden Animbang Indong @ Commander Karialan na nanguna sa pag-atake sa Datu Piang.