CAUAYAN CITY – Patuloy na inaalam ang pagkakakilalan ng tatlong bangkay na natagpuan sa nasasakupan ng Benguet-Nueva Vizcaya Road, Barangay Pangawan, Kayapa, Nueva Vizcaya .
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, hapon ng makatanggap ng impormasyon ang Kayapa Police Station tungkol sa pagkakatagpo ng mga nasabing bangkay ng dalawang estudyante.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga kasapi ng naturang himpilan at nakita ang tatlong bangkay sa lugar na kinabibilangan ng dalawang lalaki at isang babae na nasa state of decomposition na.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Juanito Balite, hepe ng Kayapa Police Station, batay sa kanilang pagsisiyasat, maaring itinapon lamang sa lugar ang mga naturang bangkay dahil boundery na ito at malayo sa mga kabahayan.
Tinataya namang nasa dalawa hanggang tatlong araw na ang tagal ng mga nasabing bangkay sa lugar dahil sa itsura ng mga ito.
Wala namang reported na missing person sa kanilang bayan kaya nakipag-ugnayan na sila sa mga kalapit bayan.
Nakasuot ang babae ng puting T-shirt at asul na shorts, ang isang lalaki naman ay nakasuot ng asul na T-shirt at itim na shorts, habang ang isa naman ay nakasuot ng puting T-shirt at berde na shorts na may belt at nkasuot ng relo.