-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kulong ang tatlong nagpakilalang kasapi ng Bicol Inter-agency Road Safety Operations (BIARSO) nang maaresto sa entrapment operation ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tangkang pangingikil sa isang bus operator.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PNP-CIDG Albay chief Police Maj. Ronnie Favia, hiningan umano ng pera ni Mar Sumulong na nagpakilalang consultant ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) si Apple de Guzman ng Maples Tourist Bus.

Noong Hunyo 14 aniya nang hinuli ng BIARSO ang isa sa mga bus nito na umano’y colorum kaya’t nakipag-ugnayan naman sa tanggapan ang biktima para sa normal procedure.

Subalit nagduda si de Guzman nang mistulang hinahanapan ng butas ni Sumulong ang mga isinumiteng papeles habang humingi pa umano ng P150,000 bago mai-release ang na-impound na bus.

Kalauna’y itinaas pa ito sa P180,000 kaya’t nagpasaklolo na sa mga otoridad.

Hinuli si Sumulong sa gitna ng transaksyon sa labas lamang ng LTFRB Bicol Office sa Legazpi, kabilang driver ng nirentahang private van na si Orly Olea at LTO enforcer Winston Cahulugan.

Naisampa na ang kasong Robbery with Extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga ito na kakabit ang piyansang P60,000 sa bawat sangkot.

Samantala, pinaghahanap pa sa ngayon ang tatlo pang pinakakasuhan rin ng bus operator na kasama umano sa naging operasyon.