-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagtamo ng malalang tama ang tatlong katao matapos bumangga ang sinaksayang tricycle sa isang mixer truck sa Barangay San Isidro bayan ng Sto. Domingo sa Albay.

Ayon kay Pol. Capt. Philip Nathaniel San Buenaventura, hepe ng Sto. Domingo Municipal Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mula ang tricycle na minamaneho ni Rogelio Banania sa lungsod ng Legazpi at papunta sa bayan ng mawalan ito ng kontrol at bumangga sa kasalubong na truck.

Dahil sa impact ng aksidente, nagtamo ng head injury si Banania at ang lulan nitong si Christian Berania Banania habang mas seryosong injuries rin ang tinamo ng asawa na si Maria Berania Banania.

Napag-alamang lahat nakaupo sa likuran ng driver ang dalawang pasahero kaya pagdating sa kurbada nawalan ito ng kontrol.

Ayon kay Buenaventura, nakita na ng driver ng mixer truck ang naturang tricycle kung kaya agad na nakapag-preno at hindi na nagdulot pa ng matinding impact ang pagkakabangga.

Sa kabila nito, nagpahayag din ng kahandaan ang driver ng naturang truck na magpaabot ng tulong sa naturang mga biktima.