-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) na planong magsagawa ng pananabotahe sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang tatlong naarestong miyembro ng Abu Sayyaf-urban terrorist Group noong November 10 sa may Salam Compound, Barangay Culiat, Quezon City.

Ayon kay QCPD director, C/Supt. Guillermo Eleazar, ang nasabing ASG members ay mula pa sa Tuburan, Basilan.

Tinukoy ni Eleazar si Abdulgaffar Jikiri alyas Abu Bakar Jikiri, 19, na dumating sa Metro Manila nitong nakalipas na Oktubre, habang matagal nang nasa Maynila sina Alim Sabtalin at Sadam Jhofar.

Sinabi ng heneral na na-monitor ng intelligence community si Jikiri na nasa area malapit sa ASEAN venues maging sa mga mall at vital installations.

Kapag umaga aniya ay nag-iikot ang mga ito habang sa gabi ay nasa kanilang tinitirhang bahay.

Kasong illegal possession of firearms and explosive ang kinakaharap ng tatlong miyembro ng ASG matapos makuha sa kanilang posisyon ang mga baril na cal. .45 pistol, bala ng grenade launcher, iba’t ibang uri ng ammunitions at mga cellphone, at dalawang M203 rifle grenade.

Ang pagkadakip sa tatlong ASG terrorists ay resulta ng intelligence fusion mula sa iba’t ibang intelligence agencies ng pamahalaan.

Ayon naman kay Philippine National Police chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa, malakas ang ebidensiya laban sa tatlong bandido na pawang tauhan ni ASG leader Furuji Indama.

Inihayag pa ng PNP chief na may ugnayan din ang tatlo sa ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) dahil miyembro sila ng ASG.

Kanila na ring tinutukoy ang iba pang kasamahan ng tatlong bandido.

Naniniwala naman si Gen. Dela Rosa na plano talaga ng mga naarestong ASG members na maghasik ng karahasan sa panahon ng ASEAN Summit.