Nilinaw ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na dadaan sa House Justice Committee ang 3 naunang impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Paliwanag ng mambabatas na bigong makakuha ng suporta ng one-third ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naturang complaints gayundin dahil sa limitadong oras na nalalabi.
Aniya ang unang impeachment complaint ay sobrang mahaba na mayroong 23 mga alegasyon habang ang 2 sumunod naman ay sobrang ikli.
Sa kabila nito, ayon kay Rep. Luistro, pinag-aralang mabuti ng bawat miyembro ng Kamara ang mga isyu at complaint bago sila nakabuo ng iisa o kolektibong desisyon at appreciation sa kung ano ang nangyayari.
Sinabi din ng mambabatas na isa ring abogado na hindi sila nagsayang ng panahon at ang kanilang appreciation dito ay para maisalba ang impeachment process dahil sa limitadong oras.
Ginawa ng mambabatas ang naturang paglilinaw sa gitna ng pagbatikos sa Kamara na inupuan umano nila ang 3 naunang complaints para i-endorso lamang ang ikaapat na impeachment complaint sa huling araw bago mag-break ang Kongreso.
Matatandaan na noong Miyerkules, nai-transmit na ng House sa Senado para sa trial ang ikaapat na impeachment complaint matapos makakakuha ng 215 na suporta mula sa kabuuang 306 miyembro ng Kamara.