LEGAZPI CITY – Ligtas ng nakabalik sa kanilang tahanan sa Barangay Cabugao, Bato, Catanduanes ang tatlong mangingisda na unang naiulat na nawawala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dona Tejada ang head ng Bato Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Hunyo 5 ng maglunsad ng search and rescue operations ang kanilang team ng maiulat na nawawala ang magkakapatid na mangingisda na sina Joven, Jack at Nacisso Traqueña.
Umaga ng Martes ng pumalaot ang mga ito subalit hindi na nakabalik kinabukasan kung kaya humingi na ng tulong sa mga awtoridad ang kanilang mga kaanak.
Kasama ang iba pang mga mangingisda, nilibot ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang karagatan ng Bato at mga kalapit na bayan subalit bigong makita ang tatlo.
Hanggang araw ng Huwebes ng makabalik ng ligtas ang magkakapatid na Traqueña sa kanilang lugar.
Ayon kay Tejada, mga bituin lamang sa kalangitan ang ginagamit ng mga mangingisda sa pagtyansa ng kanilang lokasyon, subalit dahil sa makapal na ulap ay naligaw ang mga ito at napunta sa Samar.
Nang gumanda na ang panahon ay saka lamang nahanap ng mga ito ang kanilang daan pabalik at ligtas na nakauwi sa Catanduanes.
Panawagan naman ngayon ni Tejada sa mga mangingisda na huwag ng pumalaot pa kung hindi maganda ang kondisyon ng panahon upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan.