ILOILO CITY – Patuloy ang hot pursuit operation ng otoridad sa tatlong bilanggo na nakatakas sa male custodial facility ng Sta. Barbara Municipal Police Station sa Sta. Barbara, Iloilo.
Ang mga nakatakas ay kinilalang sina Bhrix Dela Cruz Sarin ng Candoni, Negros Occidental na may kasong theft; Mark Armada Arca ng Brgy. Barasalon, Janiuay, Iloilo na may kasong murder at Reniel Lozada Sellarico ng Brgy. Talanghauan, Sta. Barbara, Iloilo na may kasong rape.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Captain Rey Pabalan, hepe ng Sta. Barbara Municipal Police Station, sinabi nito na ang mga pumugang bilanggo ay pawang mga notoryus.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, si Sarin umano ang sumira sa kandado ng selda kung saan sa mga panahong iyon ayon kay Pabalan, tatlo ang naka on-duty na police officer.
Inihayag ng hepe na ang jail officer na siya ring in-charge sa radio at front desk kung kaya’t nakatiyempo ang tatlo na makatakas.
Lumalabas na sa likurang bahagi ng police station dumaan ang tatlo at tumalon sa bakod na cyclone wire.
Sa ngayon, 85% ng personnel ng Sta. Barbara PNP ang nagsasagawa ng hot pursuit operation upang mahuli kaagad ang tatlong bilanggo na nakatakas.