-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patay ang tatlong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos magkasagupa ang militar at rebeldeng grupo sa Calatrava, Negros Occidental kahapon ng hapon.

Dakong alas-5:30 ng hapon nang magkasagupa ang 79th Infantry Battalion ng Philippine Army at 12 sinasabing NPA members sa Sitio Banwa Minatay, Brgy. Marcelo, Calatrava.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 303rd Infantry Brigade commander Brigadier General Benedict Arevalo, kinumpirma nitong tatlong rebelde ang namatay sa engkwentro samantalang isang sundalo naman ang nagtamo ng minor injury.

Narekober naman ng militar ang bangkay ng mga rebelde.

Nagtagal ng 30 minuto ang palitan ng putok bago tuluyang tumakas ang ibang mga rebelde.

Dalawang high powered firearms ang narekober sa encounter site na kinabibilangan ng M16 at AK-47.

Samantala, minabuti ni Arevalo na huwag ng iutos ang evacuation ng mga residente dahil ayaw nitong mag-Semana Santa sa evacuation center.

Aniya, hindi na kailangan ang evacuation dahil tumakas na naman ang mga rebelde at isinama naman ang mga barangay officials sa clearing operations.