KORONADAL CITY – Hindi pa na-claim ng kani-kanilang pamilya hanggang sa ngayon ang bangkay ng tatlong miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTG) sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga otoridad at rebeldeng grupo sa Sitio Isuko, Brgy, Banali, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.
Ito ang kinumpirma ni Capt. Elvis Dela Cruz, tagapagsalita ng 603rd Brigade, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ang mga nasawing miyembro ng CTG ay kinilalang sina:
1.Debaden Agsim aka Kulalong
2.Juan E. Kalaban
3.Nolohan M Saglang
Pawang nasa 20 pataas lamang ang edad at di pa alam kung taga-saan ang mga ito.
Ang nabanggit na mga rebelde ay itinuturing na mga extortionist mula sa Teroristang grupo ng East Daguma front, South Regional Command (SRC), Far South Mindanao Region (FSMR).
Ayon kay Capt. Dela Cruz, nangyari ang engkwentro sa pagitan ng Bravo Company 7th Infantry Battalion, Philippine Army at sa mga armadong rebelde na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong rebelde.
Narekober naman sa pinangyarihan ng engkwentro ang tatlong M16 rifles, mga bala, grocery item, bandolier, battery, combat shoes at iba pang personal na kagamitan.
Sa ngayon nananatili ang labi ng naturang mga rebelde sa St. Peter Funeral Home sa Brgy Malegdeg ng nasabing bayan.
Kaugnay nito, nanawagan ang militar sa pamilya ng mga nasawi na kunin na ang bangkay ng kanilang kaanak.
Patuloy din ang pag-engganyo sa mga natitira pang mga miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at huwag sayangin ang kanilang buhay sa walang saysay at maling ideolohiya na ipinaglalaban.