LEGAZPI CITY – Patay ang tatlong pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa nagpapatuloy na pursuit operations ng tropa ng militar sa Masbate.
Ito ay kaugnay ng hangarin sa agarang pagbibigay-hustisya sa sinapit ng dalawang sibilyan na nasawi sa pagsabog ng anti-personnel mine sa Brgy. Anas, Masbate City nitong nakalipas na Linggo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Division Public Affairs Office chief Capt. John Paul Belleza, dakong alas-5:30 kaninang umaga nang makasagupa ang tropa ng 2nd Infantry Batallion ng Philippine Army at humigit-kumulang 30 NPA members na nasa ilalim ng pamumuno ng isang alyas Ka Star.
Tumagal ng 15 minuto ang palitan ng mga putok hanggang sa mapaslang ang tatlo habang tumakas naman ang mga kasamahan nito.
Maliban pa sa mga nasawi, nakumpiska rin ang tatlong M16 at isang M14 rifles na ngayon ay nasa pangangalaga na ng militar.
Natunton ang lugar ng mga rebelde batay na rin sa impormasyon mula sa komunidad.
Wala pang pagkakakilanlan sa ngayon ang mga nasawi habang tuloy pa ang isinasagawang pursuit operations sa ilan pang kasamahan ng mga ito.