CENTRAL MINDANAO – Patay ang tatlong mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa engkwentro ng militar sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang mga nasawing rebelde na sina alyas Eduardo, alyas Allan at alyas Ruben mga miyembro ng Daguma Front ng Far South Mindanao Regional Command sa ilalim ng pamumuno ni Kumander Rayray.
Ayon sa ulat ng 603rd Brigade na habang nagpapatrolya ang tropa ng 37th Infantry Battalion Philippine Army sa Brgy Bugso, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat sa napaulat na presensya ng mga NPA na nanghihingi umano ng protection money sa mga sibilyan.
Pinaputukan ng mga rebelde ang mga sundalo kaya gumanti ito resulta ng isang oras na palitan ng bala sa magkabilang panig.
Agad namang umatras ang mga NPA patungo sa bulubunduking bahagi ng Brgy Bugso sa bayan ng Senator Ninoy Aquino.
Tatlo sa mga NPA ang nasawi at narekober sa kanilang posisyon ang isang kalibre.45 na pistola,food supplies,medical kits at ibang mahahalagang dokumento ng mga NPA.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng 37th IB laban sa mga NPA na kanilang nakasagupa.