-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Pagod na at gustong mamuhay ng mapayapa kaya sumuko ang tatlong mga myembro ng New Peoples Army (NPA) sa militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga rebelde na sina John Almor Erag alyas Jok, Miles Leary Bernabe Narciso alyas Tamtam at Bandara Kuner alyas Michael, mga myembro ng NPA West Daguma Front.

Ang tatlo NPA ay kumikilos sa hangganan ng South Upi Maguindanao at Lebak Sultan Kudarat.

Sumuko ang tatlong rebelde sa tropa ng 6th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Clairemont Pinpin.

Sinabi ni Erag na wala na umanong katiyakan ang kanilang ipinaglalaban at mga lider lang nila ang yumayaman.

Pormal namang tinanggap ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief,Major General Diosdado Carreon ang mga sumukong NPA.

Tumanggap ng cash assistance ang tatlo mula sa LGU- South Upi na personal na inabot ni Vice Mayor Imelda Estorninos.

Nanawagan naman si 603rd Brigade Commander Bregadier General Wilbur Mamawag sa mga NPA na nagtatago sa bundok na sumuko na sa mga otoridad at magbagong buhay.