-- Advertisements --
medical city pasig covid
(Twitter photo Steven Mari/The Medical City)

Nagpapasaklolo na ang tatlong mga kilalang ospital sa Metro Manila makaraang mapuno ng mga pasyente mula pa kahapon.

Nagpalabas ng abiso ang The Medical City na nasa Pasig City at ang dalawang branch ng St. Lukes Medical Center sa Quezon City at sa BGC Taguig City na sumobra na sila sa kapasidad ng mga pasyente.

Ayon kay Dr. Eugenio Ramos, ang presidente at CEO ng The Medical City, umabot na umano ngayon sa 64 ang mga patients under investigations (PUIs), 18 rin ang naka-admit na COVID-19 cases na nasa kanilang ICU, habang meron pang nakapila na 11 na nasa kanilang emergency rooms.

Ito ay liban pa sa anim na nasa mechanical ventilators na pasyente at lima naman ang nasa critical na kondisyon.

Nakiusap si Dr. Ramos na ayaw man nilang tanggihan ang nagpapaospital pero hindi na raw nila ito kayang maasikaso dahil sa kakulangan din ng kanilang health workers kung saan nasa 137 pa ang nasa quarantine.

Sa ngayon humingi na rin daw sila ng tulong kay Pasig Mayor Vico Sotto para sa paglipat ng ibang mga pasyente.

Sagot naman ng alkalde meron na raw silang nakita na magiging bagong designated hospital para sa COVID patients.

Samantala kinumpirma naman ng pamunuan ng St. Luke’s Medical Center na ang dalawa nilang ospital ay meron nang 48 positibo sa coronavirus, habang 139 ang patients under investigations.

Nangangamba rin daw ang St. Luke’s sa pagbibigay ng dekalidad na healthcare sa mga pasyente dahil sa 592 sa kanilang frontliners ang nasa ilalim din ng quarantine.

Kung pagsasamahin ang tatlong ospital aabot na sa 729 mga frontline medical workers ang nasa quarantine makaraang ma-expose sa kanilang mga pasyente.

Samantala, nakarating na rin sa DOH ang problemang kinakaharap ng naturang mga ospital at may mungkahi na rin si Usec. Maria Rosario Vergeire upang sulosyunan ang mga hinaing.

st. lukes
medical city