-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tatlong pamilya ang sinaniban umano ng masamang espiritu sa Brgy. Tacas, Jaro, Iloilo City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Joseph Poral ng nasabing lugar, sinabi nito na ang mga biktima ang mga kasapi ng pamilya Lintorio, Sabadilas at Jaranilla.

Ayon kay Poral, nag-ugat ang insidente matapos ang pagputol ng isang kinilala sa pangalang “Kanor” ng puno ng kahoy na nasa loob ng compound kung saan nakatira ang tatlong pamilya.

Inihayag ni Poral na unang sinaniban si Kanor nitong mga nakaraang araw at simula noon, isa-isang sinaniban ng masamang espiritu ang mga biktima.

Nitong Lunes, limang mga biktima ang sinaniban kung saan may mga religious group na dumating upang magsagawa ng panalangin.

Sa ngayon, nasa maayos na kondisyon na ang mga biktima at nananatiling palaisipan ang mga nangyari sa kanila nitong mga nakaraang araw.