Pinalaya na ng Hamas ang 3 pang Israelis na bihag mula sa Gaza dakong alas-11 ng umaga, local time o alas-5 ng hapon, oras sa Pilipinas ngayong Sabado, Pebrero 8.
Ito ay kapalit ng pagpapakawala ng kabuuang 183 presong Palestinian na nakakulong sa mga piitan ng Israel.
Kabilang sa mga pinalaya ay ang 3 kalalakihang Israelis na sina Eli Sharabi, 52 anyos, Ohad Ben Ami, 56 anyos at Or Levy, 34 anyos.
Si Sharabi ay dinukot mula sa Kibbutz Beeri kasama ang kaniyang kapatid na nakumpirmang nasawi habang pinaslang naman sa naturang pag-atake ang kaniyang mag-iina.
Si Ami naman ay dinukot din sa Kibbutz Beeri kasama ang kaniyang maybahay na pinalaya din ng Hamas.
Habang si Levy naman ay tumakas sa Nova festival kasama ang kaniyang maybahay nang umatake ang mga armadong Hamas subalit binihag siya habang nasawi naman ang kaniyang asawa sa bomb shelter kung saan sila nagtago.
Ang panibagong hostage-prisoner swap sa pagitan ng Hamas at Israel ay parte pa rin ng ceasefire deal na naging epektibo noong Enero 19.