-- Advertisements --

CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga – Kumpiyansa ang Jiu-Jitsu Federation of the Philippines (JJFP) na muling kokolekta ng mga gintong medalya ang kanilang mga atleta sa huling araw ng jiu-jitsu events ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Kahapon nang makatipon ng tatlong gintong medalya sa iba’t ibang weight divisions ang Pinoy jiu-jitsu team, na pinangunahan ng world champion na si Margarita “Meggie” Ochoa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni JJFP general secretary Ferdinand Agustin na sobra pa raw sa kanilang inasahan ang pagkakapasok ng lima nilang mga atleta sa anim na final round.

Kaya naman, umaasa si Agustin na magagawang tapatan ng kanyang tropa ang tatlong gold medals na nahakot kahapon.

Sa limang events na nakasalang pa ngayong araw, target ng jiu-jitsu team na sumungkit din ng tatlong ginto upang matupad ang asam nilang lima hanggang anim na gold medals.

Kaugnay nito, maging ang jiu-jitsu world champion at 2019 SEA Games gold medalist na si Ochoa ay buo rin ang tiwala na magsisilbing inspirasyon sa mga atelta ngayong araw ang kanilang gold medal haul nitong nakalipas na araw.

“Sana makapagbigay siya ng inspirasyon at motivation sa mga taong lalaban pa [ngayon]. I’m 100% sure they will perform. I know it,” ani Ochoa.

Maliban kay Ochoa, humablot din ng ginto sina Carlo Angelo Peña at Dean Michael Roxas sa kani-kailang mga weight categories.