-- Advertisements --

DAVAO CITY – Humihingi ngayon ng tulong sa militar ang mga magulang ng tatlong menor de edad na sinasabing ni-recruit at dinala ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Laak lungsod ng Davao de Oro.

Ayon kay 1st Lt. Amadeuz VJ Celestial, Civil-Military Operations (CMO) officer ng 60th Infantry Battalion, matapos ang sagupaan sa pagitan ng militar at mga rebelde sa Laak sa nakaraang linggo, lumapit umano ang nasabing mga magulang sa tatlong mga kabataan at humiling na tulungan silang mabawi ang kanilang mga anak.

Ayon pa kay Emerito Tanoko at asawa nitong si Marife, kinuha ng mga rebelde ang kanilang dalawang mga anak, dalawang linggo na ang nakakaraan.

Nakilala ang mga ito na sina Raymond, 18, at Patrick, 16.

Alam umano nila na ni-recruit ang kanilang mga anak ng NPA ngunit hindi agad sila nakahingi ng tulong dahil sa takot na malagay sa alanganin ang sitwasyon ng kanilang mga anak.

Samantalang inihayag din ng isang Larry Masalote, na kabilang din ang kanyang anak na si Sherwin, 17, sa mga dinala ng rebelde kasama ang magkapatid na Tanoko.

Nababahala ito dahil isang special child ang kanyang anak.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinagawang pursuit operation ng militar laban sa mga tumakas na mga rebelde.