DIPOLOG CITY – Muling nadagdagan ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang probinsya ng Misamis Occidental matapos lumabas na positibo sa sakit ang tatlong mga locally stranded individuals (LSI) na umuwi sa lugar.
Sa ulat ng probinsya, agad umanong isinailalim sa RT–PCR ang tatlo matapos itong magpositibo sa rapid test noong dumating sa lugar.
Napag-alaman na ang mga ito ay taga-Oroquieta, Tudela at Ozamis City at ngayon ay kasalukuyan naka-isolate sa Misamis Occidental Aquarmarin Park, isang identified isolation area ng lalawigan.
Ang mga ito ay nasa maayos na ang kalagayan at hindi nakitaan ng mga sintomas.
Sa huling ulat, ay apat na sa mga nagpositibo ang kasalukuyang nasa naturang isolation area.
Ayon naman kay Governor Philip Tan, aabot na sa higit 1,400 na mga LSI at ROF ang patuloy na naka-quarantine.
Pinaalalahan naman nito ang lahat ng mga LSI at ROF na uuwi sa lugar na makipag-ugnayan sa probinsya upang mapaghandaan ang kanilang pagdating.
Nagpasalamat naman ang gobernador sa lahat ng mga frontliners na nasa mga ospital, border points, seaports at airports na patuloy na nagseserbisyo upang masiguro ang kaligtasan ng lahat kasabay ng selebrasyon ng ika-122 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Sa ngayon ang buong Region 10 ay mayroon ng 42 na mga kumpirmadong positibo sa COVID-19, habang 9 na ang nasawi at 14 ang naka-recover.