Siniguro ng Department of Justice (DoJ) na masusi pa rin nilang pinag-aaralan ang iba pang batch ng Dengvaxia cases na inihain ng Public Attorney’s Office (PAO) kasunod ng pagkamatay ng mga kabataang umano’y naturukan ng nasabing bakuna.
Ayon sa DoJ, layon ng kanilang isinasagawang imbestigasyon na malaman talaga kung sino-sino ang posibleng panagutin na nagpabaya sa immunization program ng pamahalaan noong nakaraang administrasyon.
Hindi rin daw layon ng imbestigasyon na takutin ang publiko matapos ang kontrobersiya sa bakunang Dengvaxia na sinasabing mapanganib sa kalusugan ng mga bata.
Una rito, inilabas na ng DoJ ang resolusyon sa unang batch ng Dengvaxia case at nakitaan ito ng probable cause para sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide si dating Department of Health (DoH) Sec. Janet Garin at iba pang mga indibidwal.
Sa ngayon mayroon pang tatlong batch ng kaso ang kasalukuyang iniimbestigahan ng DoJ.