CENTRAL MINDANAO- Nagluluksa ngayon ang Archdiocese of Cotabato matapos sumakabilang-buhay ang tatlong pari.
Ito ay sina Fr. Loreto Sanoy, DCC,Father Rex Bacero at Fr Eliseo “Jun”Mercado.
Matatandaan na unang nasawi si Father Sanoy sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) kung saan siya na-confine, dalawang linggo na ang nakalilipas dulot ng komplikasyon ng kanyang sakit hanggang dapuan na rin ng Coronavirus Disease (COVID).
Bago naitalaga si Fr Sanoy sa Our Lady of the Holy Rosary Parish sa Cotabato City, na-assign siya sa iba’t ibang parokya ng archdiocese of Cotabato at naging Seminary Rector ng Notre Dame Archdiocesan Seminary.
Si Fr. Rex Bacero naman ay binawian ng buhay sa isang pagamutan sa syudad ng Cotabato nang makaranas ito ng sintomas ng Covid-19.
Pangatlong nasawi ang kilalang peacemaker sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao na si Fr Eliseo “Jun”Mercado.
Binawian ng buhay si Fr Jun dahil sa komplikasyon sa sakit at nagpositibo sa Covid 19.
Si Fr Mercado ay huling nagsilbi sa Our Lourdes Grotto , dati rin siyang nag silbi bilang presidente ng Notre Dame University sa Cotabato City
Marami ang nalungkot at nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa pagkasawi ng tatlong pari.
Nanawagan ngayon ang mga kaparian ng Archdiocese of Cotabato na ipanalangin ang tatlong pari at umaapela sa publiko na seryosohin ang pag-iingat kontra sa COVID-19.