-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nagresulta sa pagkasawi ng tatlong suspek habang isa naman ang arestado sa inilunsad na AFP-PNP operation laban sa mga most wanted person sa Sitio Kisupit, Barangay Marbel Matalam, Cotabato matapos na manlaban sa mga otoridad ang target ng operasyon.

Ito ang inihayag ni Police Lieutenant Colonel Arniel Cagud Melocotones, hepe ng Matalam Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ni Melocontones ang mga nasawing suspek na sina alyas “Dekit Unsil”, target ng operasyon at itinuturing na no. 4 regional most wanted person; alyas “Naks” at si alyas “Manalinding” habang ang naarestong suspek ay si alyas “Harold”, pawang nasa hustong taong gulang at residente ng nabanggit na barangay.

Ayon sa opisyal, kasama na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Regional Intelligence Division 12, PNP SAF, Cotabato Provincial Police Office, Highway Patrol Group-12 at 602nd Brigade Philippine Army.

Bitbit ng mga ito ang search warrant at warrant of arrest na ipinalabas ng korte upang ihain kay alyas “Dekit Unsil” ngunitbigla na lamang pinaputukan ng mga suspek ang mga operatiba habang papasok sa lugar dahilan para gumanti ng putok ang mga ito na nagresulta sa pagkakasawi ng tatlo at pagkaaresto ng isa pang suspek.

Dinala pa ang mga sugatang suspek sa Babol General Hospital, Matalam Cotabato ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Nakuha mula sa mga suspek ang humigit kumulang 24 gramo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nasa P182,250, dalawang unit ng Cal.45, isang Cal. 38, magazines, fire cartridges, mga bala, at pitong unit ng motorsiklo.

Sa ngayon, nakahandang sampahan ng kaso ang naarestong suspek habang nasa kani-kanilang pamilya naman ang mga nasawi.