Nasa tatlong katao ang patay habang isa ang tuluyan nang nabulag dahil sa methanol poisoning makaraang uminom ng hand sanitizer sa estado ng New Mexico sa Estados Unidos.
Ayon sa New Mexico Department of Health, mayroon pang karagdagang tatlong katao ang nasa kritikal na kondisyon.
“All seven people are believed to have drunk hand sanitizer containing methanol,” saad sa pahayag.
Ang nasabing mga kaso ay iniulat sa New Mexico Poison Control sa loob ng ilang linggo noong Mayo, na pawang may kaugnayan sa labis na pag-inom ng alak.
Hindi naman na nagbigay ng karagdagang detalye ang ahensya tungkol sa mga biktima, o kung saan nangyari ang mga insidente.
“If you think you may have used or consumed hand sanitizer containing methanol, please seek medical care,” wika ni state health Secretary Kathy Kunkel. “An antidote to methanol poisoning is available, but the earlier someone gets treated for methanol poisoning the better the chance of recovery.”
Ilang mga indibidwal sa Amerika ang naitalang umiinom ng hand sanitizer para malasing, bunsod ng alcoholic content nito.
Bago ang pandemya, ipinagbawal din sa maraming mga bilangguan sa bansa ang hand sanitizer dahil sa posibleng inumin ito ng mga preso, o hindi kaya ay gamitin para manunog.
Pero inirekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention na dapat ikonsidera ng mga jail facilities ang pagluwag sa mga alcohol-based sanitizer upang makatulong sa paglaban sa coronavirus. (CNN)