-- Advertisements --

Tatlo ang patay habang isa ang sugatan sa bumagsak na Huey helicopter ng Philippine Air Force (PAF) dakong alas-3:00 nitong hapon ng Huwebes sa may Sitio Hilltop, Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal.

Ayon kay 2nd Infantry Division spokesperson 1Lt Xy-zon Meneses, nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng training ang mga piloto partikular sa air-to-ground disaster rescue operation training ng 60 mga sundalo ng 2nd ID habang 12 naman ang PNP na galing sa Region 4A.

Sinabi ni Meneses na ang training ay paghahanda ng 2nd ID at Solcom kasama ang PNP para tumugon sa anumang pangyayari gaya ng military and police operations at disaster rescue operation.

Layon din nito para maging handa ang mga sundalo at pulis na rumisponde kapag may mga kalamidad.

Pahayag pa ni Meneses, tapos na ang kanilang practical exercise nang magkaroon ng problema ang isang chopper sa pag-landing.

Isang piloto at dalawang crew ang nasawi habang ginagamot na ngayon ang isa pang sugatang crew sa AFP Medical Center.

Tumanggi munang pangalangan ng 2nd ID ang tatlong nasawi sa crash landing.

Sa kabilang dako, iniimbestigahan na rin ngayon ng Philippine Air Force (PAF) ang sanhi ng pagbagsak ng UH-1D chopper.