-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Inilunsad pa ng pulisya ang malawakang pursuit operation laban sa mga tukoy na armadong kalalakihan na nasa likod pagtambang-patay sa tatlong katao at sumugat na isa pa sa Barangay Molimok, Balabagan, Lanao del Sur.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Lanao del Sur Provincial Police Office director Col. Rex Derilo na nangyari umano ang pananambang dahil sa namumuo na “rido” ng dalawang malaking angkan sa nabanggit na bayan.

Inihayag ni Derilo na kabilang sa mga agad nasawi ay mismong dalawang Cafgu members na sina Hanafi Baraguer at Venhar Macapodi na umano’y kasama ng target victim na si Mando Interino.

Dagdag ng opisyal nasa ligtas na rin na kalagayan ang nadamay na sibilyan na si Mastor Gani na tinamaan ng bala mula sa mga suspek ng mangyari ang kremin noong araw na Linggo.

Narekober sa crime scene ang mga bala ng Galil rifle, M-16 rifle at punto kalibre .45 na baril.

Hinihintay pa lamang ang pahayag ng ilang mga testigo para maisampa ang kasong multiple murder at frustrated murder laban sa mga suspek.