CENTRAL MINDANAO – Tatlo ang nasawi sa inilunsad na law enforcement operation ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga napatay na sina Talus Baundi, Tata Mamental at Fahad Angagao, mga residente ng Sitio Posaka, Brgy Kapinpilan, Midsayap, Cotabato.
Sinasabing ang mga ito ay mga miyembro ng MILF lost command na sangkot sa illegal drug trade.
Nahuli naman sina Hazel Joy Camancho, 38, may asawa, nakatira sa Brgy Kapinpilan at Satar Kanton Manticayan, 23, may asawa, residente ng Brgy Tumbras sa bayan ng Midsayap.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander M/Gen. Juvymax Uy, nagpatupad umano ng search warrant ang mga tauhan ng 34th Infantry Battalion Philippine Army, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) at Midsayap Municipal Police Station sa Sitio Posaka Barangay Kapinpilan, Midsayap, North Cotabato.
Sinabi ni Uy, habang paparating ang raiding team sa kanilang target ay pinaputukan daw sila ng mga suspek gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Gumanti naman daw ng putok ang mga otoridad at nasawi ang tatlong suspek.
Narekober ang bangkay ng tatlong ng suspek, tatlong high powered firearms, 40 grams na shabu na nagkakahalaga ng P272,000, tatlong motorsiklo at mga personal na kagamitan.
Dagdag ni Uy, walang lugar ang lawlessness group sa lalawigan.
Nagpapasalamat naman si 34th IB commander Lt. Col. Glenn Loreto Caballero sa suporta ng mga sibilyan na nagbibigay sa kanila ng impormasyon na humantong sa matagumpay ng operasyon.
Kinumpirma naman ni Midsayap chief of police, Lt. Col. John Miridel Calinga na ni-raid nila ang tahanan ng mga suspek basi sa search warrant na inisyu ni Judge Allan Edwin Boncavil, acting Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 19 na nakabase sa Isulan, Sultan Kudarat.
Sa ngayon nanatiling nasa hightened alert ang militar at pulisya sa bayan ng Midsayap, Cotabato sa posibling pagganti ng mga kasamahan ng mga suspek.