LA UNION – Nag-iwan ng tatlong kataong patay at tatlo rin ang sugatan na pawang sakay ng ambulansya na bumangga sa truck sa kahabaan ng national highway sa Barangay Ili Norte sa bayan ng San Juan, La Union, kaninang umaga.
Nakilala ang mga nasawi na sina Cecila Hufano, 54-anyos na residente ng Viente Reales, Manila; Samuel Hufano, 59, taga-Barangay Pao Norte, San Fernando City, La Union; at Jessie Acorda, 49, residente ng Valenzuela City.
Base sa imbestigasyon ng San Juan Police, galing umano mula sa isang ospital sa Batac, Ilocos Norte, ang ambulansya na minamaneho ng 62-anyos na si Paulino delos Santos, upang ihatid sana isang pasyente putungo sa Valenzuela.
Gayunman, bumangga ito sa kasalubong na truck na minamaneho naman ng isang Sebastian Torretio, 51-anyos, taga-Urdaneta City, Pangasinan.
Sinasabing nang-agaw sa linya ng truck ang ambulansya kaya nangyari ang aksidente.
Wasak ang harapang bahagi ng ambulansya dahil sa lakas ng pagbangga.
Dinala sa ospital ang anim na sakay ng ambulansya, ngunit tatlo sa mga ito ang namatay dahil sa matinding pinsalang natamo sa kanilang katawan.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga nasugatan.
Samantala, mapalad ang driver ng truck at ang helper nito dahil hindi sila nagalusan sa trahedya.
Inihahanda na ng pulisya ang kaso laban sa nabanggit na truck driver.