-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Tatlong katao ang nasawi at apat ang naaresto sa anti-illegal drug operation ng mga otoridad sa Cotabato City.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Motalib Sanday Sumurang aka Abdul Ali Duluan alyas Uting, Benjie Villanueva Fortich at Saidamen Sumurang Kasanguan aka Dats Duluan habang apat ang nahuli na mga residente ng Purok Paraiso, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City.

Nakatakas naman ang kanilang lider na nakilalang si Gino Sansaluna.

Ayon kay Cotabato City director Colonel Rommel Javier na nagsagawa ng drug buy bust operation Police Station 2 ay sa pangunguna ni Captain Rustum Pastolero katuwang ang mga tauhan ng CPDEU, RACU-15, RHPU BAR, Task Force Kutawato at PDEA BARMM sa Purok Paraiso Brgy RH-7 ng lungsod sa drug den ng mga suspek.

Ngunit natunugan daw ng grupo ni Sansaluna na mga pulis ang kanilang katransaksyon kaya ito umano ay nanlaban.

Napilitan na gumanti ng putok ang mga otoridad resulta ng pagkasawi ng tatlo, apat ang nahuli at nakatakas naman si Sansaluna.

Narekober sa mga suspek ang isang .38 revolver, mga bala at ilang pakete ng shabu.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Cotabato City PNP ang nakatakas na lider ng grupo.