CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa tatlo ang nasawi at pito ang sugatan sa engkwentro ng dalawang field commanders ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Datu Montawal chief of police, Captain Razul Pandulo, may manaka-nakang putukan pa sa pagitan ng grupo nina Kumander Butoh Mantol at Kumander Paglas Balaumol sa Brgy Dungguan, Datu Montawal, Maguindanao.
Ayaw umanong paawat ang dalawang grupo kahit kinausap na sila ng mga matataas na opisyal ng MILF at mga lokal opisyal ng bayan.
Lomobo rin ang bilang ng mga nagsilikas na pamilya dahil sa takot na maipit sa gulo.
Ang grupo nina Kumander Butoh Mantol at Kumander Paglas Balaumol ay may personal na alitan sa kanilang pamilya dahil sa agawan sa lupa na kanilang sinasaka.
Namigay na rin ng tulong ang LGU-Datu Montawal sa mga bakwit at may karagdagang tulong pa mula sa provincial gov’t.
Nakaantabay naman ang militar at pulisya sa sitwasyon kung saan handa silang kumilos kung kinakailangan para maprotektahan ang mga sibilyan.