BACOLOD CITY – Nag-iwan ng tatlong patay habang walo ang sugatan makaraang magbanggaan ang tricycle at truck sa Barangay Talaban, Himamaylan City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lieutenant Col. Glenn Provido, hepe ng Himamaylan City Police Station, papuntang timog na direksyon ang tricycle na sinasakyan ng mga kabataan na pauwi na sana kagabi mula sa pag-practice ng sayaw sa Barangay Aguisan, Himamaylan City.
Pagdating sa Barangay Talaban, nag-overtake umano ang tricycle sa isang sasakyan kaya’t nakain nito ang lane ng truck na papuntang Bacolod City.
Dahil sa lakas ng salpukan, agad na namatay ang dalawang pasahero ng tricycle na sina Faith Joy Hontiveros, 15-anyos, at Joshua Valdez.
Nadala pa sa ospital ang tricycle driver na si Kevin Jade Montano, 23-anyos, ngunit binawian ito ng buhay kaninang madaling-araw.
Nasa stable nang kondisyon naman ang truck driver ng truck na si Dario Pontino, pati na rin ang dalawang pahinante at limang pasahero ng tricycle na nasugatan.
Samantala, sumuko na sa Himamaylan City Police Station si Pontino at nananatili sa kustodiya ng mga pulis.