-- Advertisements --

Nag-iwan ng tatlong estudyanteng patay habang walo ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa loob ng paaralan sa estado ng Michigan sa Amerika.

Isang 15-anyos na second year male student ang itinuturong suspek kung saan gumamit ito ng semi-automatic handgun. Sumuko naman siya, limang minuto matapos tawagan ang pulis.

Namatay sa insidente ang 16-anyos na lalaki, gayundin ang dalawang babae na edad 14 at 17-anyos.

Dalawa naman sa mga nasugatan kabilang ang isang guro ay sumasailalim sa operasyon, habang ang anim na iba pa ay “stable” na ang kondisyon kahit may mga tama ng bala ng baril.

Sa ngayon ay blangko pa ang pulisya sa pagtukoy kung ano ang motibo sa krimen.

Sa news conference, sinabi ng mga opisyal na ang suspek ay tumangging magsalita at hindi nakikipagtulungan.

Sinabihan umano ito ng kanyang mga magulang na huwag makipag-usap sa pulisya.