-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tatlo ang patay sa nangyaring shooting incident sa Barangay Cubay South, Bugasong, Antique.

Ang mga biktima ay sina Barangay Kagawad Efren Florendo, 60; Staff Sergeant Elvin Agting, 42, police personnel ng Bugasong Municipal Police Station at patay rin ang suspek na si Roy Jalipa, 33.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Janice Secreto, anak ng isa sa mga biktima na si Florendo, sinabi nito bumili pa ng sigarilyo ang suspek sa kanyang tindahan ngunit nabigla na lang ito ng may pumutok at nakita ang kanyang ama na duguan.

Sinasabing homemade 12-gauge shotgun ang ginamit ng suspek.

Dahil sa pangyayari, nagresponde ang mga pulis at nakigpag-negosasyon sa suspek ngunit sa halip na kumalma, pinaputukan nito si Agting.

Agad namang gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng nasabing suspek.

Ayon naman sa kapatid ng suspek na si Orquila Ostan, mayroong nervous breakdown si Jalipa kung kaya’t nagawa nito ang krimen.

Ngunit ayon naman kay Master Sergeant Renny Bandiola, imbestigador ng Bugasong Municipal Police Station, hindi pa nila makukumpirma kung mayroon nga bang nervous breakdown ang nasabing suspek dahil alegasyon lamang ito ng pamilya.