ILOILO CITY – Tatlo ang patay at marami naman ang sugatan matapos na mahulog ang Ceres Bus sa 50 talampakan na bangin sa Brgy. Fabrica, Hamtic, Antique.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Staff Master Sgt. Liane Adores ng Hamtic Municipal Police Station, sinabi nito na mula sa lungsod ng Iloilo ang bus at patungo na sana sa San Jose, Antique ng mangyari ang aksidente.
Ayon kay Adores, ang mga nasawi ay ang mag-inang sina Vivien Umaño at Earl Aaron Umaño ng Belison, Antique at galing pa umano sa graduation ceremony ng John B. Lacson Foundation Maritime University at si Bebe Chicano ng Laua-an, Antique.
Patuloy namang ginagamot sa ospital ang iba pang sugatan.
Ayon naman sa inisyal na imbestigasyon, 11 ang sakay ng Ceres bus kabilang na ang driver at ang konduktor.
Sa ngayon, hindi pa tukoy ng otoridad ang sanhi ng aksidente.