CENTRAL MINDANAO – Dead on arrival sa pagamutan ang tatlong katao nang bumangga sa punongkahoy ang kanilang sinakyang motorsiklo sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Ruel Tolentino Laureta, 41, driver; Jonathan Soyat Doceo, 17, at Garry De Asis, 35, at mga residente ng Barangay New Janiway, M’lang, North Cotabato.
Ayon kay Cotabato Police Provincial Office (CPPO) director Colonel Maximo Layugan na habang sakay ang mga biktima sa isang motorsiklo pauwi na ng kanilang tahanan ngunit pagsapit nito sa Brgy Singkatulan, Makilala, Cotabato ay sinubukan nitong mag-overtake sa isa pang motorsiklo.
Nang mapansin ni Laureta ang kasalubong na sasakyan ay bigla itong umiwas ngunit hindi na nito nakontrol ang motorsiklo at bumangga sa puno ng talisay.
Tumilapon ang mga biktima sa motorsiklo at agad tinutulungan ng mga sibilyan kung saan dinala ito sa pagamutan.
Hindi na umabot ng buhay ang mga biktima sa ospital at dineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Nagtamo ng matinding sugat at bali sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktima kaya agad binawian ng buhay.
Napag-alaman na lasing umano ang driver ng motorsiklo nang mangyari ang aksidente.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Makilala PNP sa naturang pangyayari.