-- Advertisements --

(Update) CENTRAL MINDANAO – Nasawi ang isang brgy chairman, kawani ng gobyerno at brgy treasurer sa vehicular crash sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Kessay Mamasalagat, brgy kapitan ng Barangay Buliok, Pagalungan, Maguindanao at Allan Anta, kawani ng Municipal Local Government Operation Office (MLGOO) sa bayan ng Pagalungan.

Binawian din ng buhay si Sengko Macagcaid, brgy treasurer ng Brgy Buliok sa Pagalungan, lalawigan ng Maguindanao.

Sugatan naman si Jhohaiden Manonsol, driver ng sinakyan na Toyota Vios ng mga biktima na may plakang ZLJ-809.

Ayon sa ulat ng pulisya, sakay ang mga biktima sa isang kotse mula sa Pagalungan patungong General Santos City para dumalo sana sa pagpupulong ng mga barangay officials sa Rehiyon 12.

Ngunit pagsapit ng mga biktima sa bahagi ng Brgy. Bialong M’lang, North Cotabato ay binangga nito ang nakaparadang rural transit bus na nag-pick-up ng dalawang pasahero sa gilid ng kalsada.

Agad na nagresponde ang rescue unit ng M’lang, katuwang ang pulisya, militar, BFP at mga radio groups.

Dinala ang mga biktima sa M’lang District Hospital ngunit deniklarang dead on arrival ng mga doktor sina Mamasalagat at Anta kung saan sa pagamutan sa Kidapawan City sila binawian ng buhay.

Sa kuha ng dash cam ng rural transit lumalabas umano na nag-overtake ang kotse sa sinusundan nitong forward truck ngunit hindi na nito nakontrol ang manibela hanggang sa bumangga sa bus.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng M’lang PNP sa naturang madugong aksidente.