-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang tatlong katao habang isa ang sugatan sa nangyaring banggaan ng Rural Transit Mindanao Incorporated (RMTI), wingban at motorsiklo sa kahabaan ng Barangay Poblacion, Libertad, Misamis Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Libertad Police Station commander Capt. Ralph Camelotes na nawalan umano ng preno ang wingban na minaneho ni Ritchie Montecalbo na taga-Bukidnon na patungo sa Cagayan de Oro City nang nag-overtake sa lane ng bus kaya nangyari ang aksidente.

Inihayag ni Camelotes na dahil wala na sa kontrol ang wingban ay nahagip nito ang bus na minaneho naman ni Efren Vincent Pangcuyon na taga-Initao, Misamis Oriental at nadamay ang motorsiklo na mayroong tatlong katao na nakasakay.

Nasawi ang driver ng motorsiklo na si Rodelio Orquillas Jr., 34, backride nito na si Elly Figuracion, 47, habang nasagasaan din ang isa pang pedestrian na si Tomson Dicdican, 57, na nasa gilid lamang ng kalsada.

Isinugod naman sa pagamutan ang kasama ni Orquillas at Figuracion na si Rolito Amilao, 24, na lahat taga-Gitagum, Misamis Oriental dahil sa mga sugat na tinamo dahil sa aksidente.

Dagdag ni Camelotes na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, physical injury at damage of property si Montecalbo sa piskalya sa siyudad ngayong araw.