-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patay ang tatlong kalalakihan na subject ng ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Busac, Oas, ALbay.

Ito ay matapos na mauwi sa barilian ang operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Jerald John Villafuerte, hepe ng Oas PNP, nagpaputok ng baril sa mga awtoridad ang mga suspek na si Ramon Mutuc alyas ”Omar, 44-anyos; Jose Maria Arvin Bautista alyas “Jose”, 28 at Gregorio Garcia Jr. alyas “Gregorio”, 42 ng matunugan na pulis ang katransaksyon.

Dahil dito, napilitan na gumanti ng putok ang mga otoridad kung saan nagtamo ng mga tama ng bala ang tatlo at ng dalhin sa ospital, idineklarang dead on arrival.

Si alyas Omar ang napag-alamang miyembro ng “Bahala na Gang” habang lahat ng ito ay mula sa Metro Manila.

Una rito, nakakuha ng impormasyon ang police intelligence unit tungkol sa grupo na umano’y may dalang milyong halaga ng iligal na droga, na pinaniniwalaang ibabagsak sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.

Ayon kay Villafuerte, Bicol-wide ang operasyon ng grupo na nagbagsak muna ng dalang suplay sa Camarines Norte, CamSur at lungsod ng Naga habang papunta sana sa lungsod ng Legazpi, Tabaco at lalawigan ng Catanduanes ang nasabat ng mga otoridad.

Narekober mula sa lugar ng pinangyarihan ang nasa 350 gramo ng pinaniniwalaang shabu na may market value na P1,750,000 at iba’t-ibang uri ng mga baril.