Iniulat ng mga awtoridad sa Thailand na aabot sa 81 katao ang na-trap sa gumuhong skyscraper na kasalukuyang under construction habang tatlong katao naman ang nasawi sa insidente.
Hinikayat naman ng gobernador ng Bangkok ang mga residente na manatiling kalmado habang binalaan patungkol sa posibleng aftershocks.
Nabatid na ang pagbagsak ng gusali ay dulot ng 7.7 magnitude na lindol na tumama sa Southeast Asia nitong araw ng Biyernes, Marso 28, 2025, na nagdulot ng malawakang pinsala at pagkamatay sa ilang bansa, kung saan kabilang ang bansang Myanmar at Thailand sa pinaka-apektado.
Sa kaugnay na balita sa Myanmar, tatlong tao rin ang nasawi nang gumuho ang isang mosque sa bayan ng Taungoo. Sa Aung Ban, iniulat ng local media na dalawa naman ang nasawi at 20 ang sugatan nang mag-collapse ang isang hotel.
Nagdulot din ng malawakang pinsala ang lindol sa mga lungsod, kabilang ang pagkasira ng mga gusali, tulay, at iba pang imprastruktura.
Samantala kinumpirma ng United States Geological Survey (USGS) na ang lindol ay tumama ng alas-12:30 ng tanghali, na may epicenter na nasa halos 17 km mula sa Mandalay, ang pangalawang pinakamalaking lungsod sa Myanmar.
Habang sinundan ito ng malakas na aftershock at ilang katamtamang aftershocks, na nagdulot ng takot sa mga residente.
Nagdulot din ito ng malaking pinsala, kabilang ang pagkawasak ng Ava Bridge sa ibabaw ng Irawaddy River.
Nagdeklara narin ng state of emergency ang Myanmar para sa mga apektadong lugar at plano rin ng pamahalaan na mapabilis ang operasyon ng rescue at humanitarian aid, ngunit wala pang detalyadong ulat ukol sa mga nasawi at napinsala.
Nag-aalala naman ang Red Cross International tungkol sa kalagayan ng mga malalaking dam at ang malawakang pinsala sa mga kalsada, tulay, at mga gusali sa buong rehiyon.