DAVAO CITY – Kinumpirma ng alkalde ng bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental na tatlong katao ang nasawi sa nangyaring landslide sa naturang lugar.
Sa impormasyong ipinaabot ni Jose Abad Santos Mayor Jason Joyce, kinilala ang mga biktima na sina Efrencio Serna Sr., 53; Mateya Serna, 53; at Efrencio Serna Jr., 23.
Batay sa impormasyon, bumili lamang ng pagkain ang mga biktima at sa pag-uwi nito , natiyempuhan ang mga ito ng landslide sa Barangay Nuing sa nasabing bayan nitong Linggo ng gabi.
Kinaumagahan na nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima na natabunan ng bato, punongkahoy at lupa.
Ayon sa alkalde, one way lamang ang daanan sa tabi ng pampang ng ilog.
Sa ngayon, isinara na ang nasabing daanan at nagbukas ng ibang daanan ang barangay na malayo ngunit ligtas naman sa mga posibleng pagguho ng lupa.
May ipinamahagi nang tulong ang lokal na pamahalaan ng Jose Abad Santos para sa mga pamilya ng mga biktima ng landslide.
Kabilang na dito ang hollow blocks, semento at scholarship sa naiwang anak ng mag-asawang Efrencio at Mateya.
Binigyan din ng livelihood assistance ang maybahay ni Efrencio, Jr.