-- Advertisements --

Patay ang tatlong katao matapos na hindi makalabas sa nasunog nilang bahay sa Tondo, Maynila.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) na ang mga nasawi ay mag-asawang senior citizen at anak nilang 45-anyos na lalaki.

Pasado ala-una ng sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Zone 5, barangay 58 ng Tondo, Manila kung saan dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay hindi nakalabas ang mga biktima.

Idineklara pa sa second alarm ang sunog at naapula lamang ito ng mahigit dalawang oras.

Sugatan naman sa insidente ang apat na katao kabilang ang tatlong bumbero.

Pahirapan ang pag-apula ng apoy dahil sa sikip ng daan bunsod ng mga nakaparadang mga sasakyan.

Aabot naman sa 18 pamilya ang naapektuhan at anim na bahay ang nadamay.

Inaalam pa ng mga otoridad ang naging sanhi ng nasabing sunog.